Utos ni VP Leni sa drug war

Utos ni VP Leni sa drug war

WALANG dapat mamatay sa giyera kontra droga ng gobyerno, ayon kay Vice President Leni Robredo.

utos ni vp leni sa drug war - Utos ni VP Leni sa drug war
leni vp 1 - Utos ni VP Leni sa drug war

ZERO EJK!

WALANG dapat mamatay sa giyera kontra droga ng gobyerno, ayon kay Vice President Leni Robredo.

Ito ang ipatutupad ni Robredo ngayong itinalaga siya bilang drug czar o co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).

Nakatakdang makipagpulong si Robredo kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino para plantsahin ang bagong direksyon ng war on drugs ng administrasyon.

“Wala sa plano natin ang pagpatay kasi wala iyon sa bounds ng rules of law. Iyon ‘yung ating directive,” ayon sa Bise Presidente.

“Maraming pagkakataon kasi iyong concentraton ay nasa maliit (na drug pushers). Dapat mas maraming resources at oras para hanapin iyong mga malalaki. ‘Yun ang aking directive. Pero iyong pagpatay, whether malaki o maliit, wala iyon sa usapan,” dagdag pa niya sa ambush interview sa Tanay, Rizal.

Sa prinisintang datos ng Philippine National Police sa House Committee on Dangerous Drugs, 5,779 drug suspect na ang napatay sa operasyon mula Hulyo 1, 2016 hanggang Agosto 31, 2019.

Ngunit ayon sa mga kritiko ng gobyerno, higit sa 20,000 na ang biktima ng extrajudicial killings (EJK) ng giyera kontra droga.

Nilinaw naman ni Robredo na walang kinalaman sa 2022 presidential elections ang pagtanggap niya ng posisyon bilang co-chair ng ICAD.

Ayon kay Robredo kung ang nasa isip niya ay ang darating na halalan ay mas hindi nito dapat tinanggap ang posisyon na alok ng Malacañang.

‘Ako siguro kung iniisip ko ‘yung 2022, hindi ko ito tatangapin kasi too much of a risk,” pahayag ni Robredo.

Nagtungo si Robredo sa Sitio Macantog sa Tanay, Rizal upang mamahagi ng mga solar kit na donasyon naman ng One Meralco Foundation.

Ani Robredo, bagama’t tutok na ito sa war on drugs ay tinitiyak nitong hindi maapektuhan bagkus tuloy-tuloy pa rin ang ginagawa nitong anti-poverty program.

“Meron pa kaming dalawa at kalahating taon. Kung iniisip ko ‘yung 2022, aakyat ba ako sa bundok na kaunti ang tao? Bakit ko sasayangin ang oras ko dito na sobrang hirap umakyat para lang makausap iyong mga kaunting tao na karamihan nga siguro sa kanila hindi ako kilala?” dagdag pa ni Robredo. (Tina Mendoza)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *