Umatake sa Abante duwag sa katotohanan — Recto

TINAWAG ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na duwag at takot sa katotohanan ang mga umatake at sumunog sa planta ng Abante News Group sa Parañaque City noong Lunes nang madaling-araw.

umatake sa abante duwag sa katotohanan recto - Umatake sa Abante duwag sa katotohanan — Recto
recto 6 - Umatake sa Abante duwag sa katotohanan — Recto

TINAWAG ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na duwag at takot sa katotohanan ang mga umatake at sumunog sa planta ng Abante News Group sa Parañaque City noong Lunes nang madaling-araw.

“Ang pagsunog sa imprenta ng Abant­e ay kagagawan ng mga duwag at takot sa katotohanan,” pahayag ni Recto sa isang statement.

“Ito ay pakana ng mga taong nanga­ngamba na ang madilim nilang mga gawain ay mabibisto ng liwanag ng sulo ng malayang pamamahayag,” dagdag pa nito.

“Hindi nila alam na batay sa ating kasaysaysan, ang taktika ng panunupil at pananakot ay hindi nagtatagumpay,” dagdag pa ng senador.

Nanawagan din si Recto, kolumnista ng Abante, sa kapulisan at mga awtoridad na ipamalas na karapat-dapat nga silang tumanggap ng tiwala at buwis ng taumbayan sa pamamagitan ng agarang paglutas ng krimen na ito at paghuli sa mga salarin.

“Anumang atake sa mga mamamayahag, saan man ito sa Pilipinas, ay dapat mabilis na maparusahan, sapagkat kung hindi, ito ay nagpapalakas-loob lamang sa mga kaaway ng katotohanan na ituloy ang kanilang maitim na balak,” ani Recto.

“Mali ang kanilang akala na kapag naabo ang palimbagan ay makikitil na rin ang ilaw ng katotohanan,” dagdag pa nito.

Ito rin ang hirit ni ACT-CIS Party-list Rep. Niña Taduran sa mga awtoridad.
“The perpetrators of this barbaric act must be apprehended and the masterminds identified,” ani ni Taduran.

Sinabi naman ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hindi papayagan ng Malacañang ang mga ganitong uri ng pag-atake laban sa sino mang miyembro ng fourth state.

Tiyak aniyang ipag-uutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang malalimang imbestigasyon sa naganap na panununog sa printin­g plant ng Abante News Group at hahabulin at paparusahan ang mga nasa likod ng insidente.

“We’d like to condemn the assault on this Abante printing press shop. We cannot allow this thing to happen against any member of the fourth state.

The President will certainly be directing thorough investigation on this case and we will pro­secute those behind this dastardly act,” ani Panelo.

Nauna nang kinondena ng Presidential Task Force on Media Security at ma­ging ni Presidential Communications Ope­rations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar ang insidente .

Samantala sa panayam naman kay Police Sgt. Napoleon Mallari ng Station Investigation and Detective Management Branch ng Parañaque City Police may hawak ng kaso, nakuha na nila ang CCTV footage ng Vitales Compound sa Barangay San Isidro kung saan nakita ang pagdating ng dalawang motorsiklo na may sakay na tig-dalawang lalaki na tumapat sa harapan ng planta dakong ala-1:50 nang madaling-araw.

Bagama’t sa kanilang pagbusisi o pagsusuri, patalon-talon aniya ang kuha ng CCTV, at bumubuhos noon ang ulan, malinaw aniya na ang mga sakay ng motorsiklo na tumakas palayo sa lugar ang may kagagawan ng panununog.

Aminado ang opisyal na wala pa silang matutukoy na grupo na may kagagawan ng panununog bagama’t tiniyak niya ang patuloy at malalimang pagsisiyasat na kanilang isinasagawa.

Sa ngayon aniya ay may hawak na silang limang testigo na kinuhanan na ng kani-kanilang salaysay na pagbabata­yan nila sa patuloy na isasagawang imbestigasyon.

Nauna nang pahayag ng pulisya na maraming anggulo ang kanilang tinitingnan na motibo dito sa pag-atake ng mga suspek sa nasabing lugar.

Sa ngayon ay nagtutulungan ang Parañaque Police Station na pinamumunuan ni Police Col. Robin Sarmiento at ng Bureau Fire Protection sa imbestigasyon sa insidente.

Magugunitang Lunes nang madaling-araw nang pasukin at sunugin ng apat na kalalakihan ang planta ng Abante na kung saan tatlong security guard kabilang ang isang babae ang tinutukan ng baril at pinadapa at maging ang ilang pang mga empleyado rito.

Armado ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril at ilang bote ng gasoline ang mga suspek at sabay na ibinuhos sa isang makina at ilang mga mahahalagang materyales at sabay na sinindihan.

Nang makuha na ang pakay ng mga sa­larin ay mabilis na nagsitakas ang mga ito.

Ayon kay Parañaque City Fire Marshall Supt. Robert Pacis, sinadyang sunugin ang planta.

“Arson po talaga ang nangyari dito, may motibo posibleng high threats ito, kung ano-ano posible na motive kung ba­kit ginawa ito, posible din may nakabangga ito kaya ginawa,” ani ni Pacis.

(Dindo Matining/Armida Rico/JC Cahinhinan)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *