Toxic waste nakatambak sa 7 district hospital sa Bulacan

Kinalampag ng Commission on Audit (COA) ang pamahalaang lokal ng Bulacan dahil sa mga nakatambak diumanong hazardous at infectious waste sa pitong district hospital ng lalawigan na isang paglabag sa batas.

toxic waste nakatambak sa 7 district hospital sa bulacan - Toxic waste nakatambak sa 7 district hospital sa Bulacan
ABANTE Toxic waste - Toxic waste nakatambak sa 7 district hospital sa Bulacan

Kinalampag ng Commission on Audit (COA) ang pamahalaang lokal ng Bulacan dahil sa mga nakatambak diumanong hazardous at infectious waste sa pitong district hospital ng lalawigan na isang paglabag sa batas.

Base sa 2018 Annual Audit Report ng COA, marami silang nakitang kakulangan sa waste management ng pitong district hospital kung saan higit isang taon nang nakatambak ang mga hazardous at infectious waste.

Kabilang sa pitong district hospital na tinukoy sa COA report ay ang Bulacan Medical Center, Rogaciano M. Mercado Memorial Hospital, Emilio G. Perez Memorial District Hospital, Baliuag District Hospital, San Miguel District Hospital, Calumpit District Hospital, at Gregorio Del Pilar District Hospital.

Sabi ng COA, dahil sa kabiguan ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan na resolbahin ang problema sa mga delikado at nakalalasong basura na nakatengga sa mga nabanggit na ospital ay nalalagay naman sa panganib ang kanilang mga pasyente, health worker at ang publiko sa pangkalahatan.

Sa isinagawa umanong imbestigasyon ng mga state auditor, nalaman na hindi regular na kinokolekta ang mga nabanggit na basura sa loob ng nakalipas na anim na buwan hanggang isang taon.

Tinukoy pa ng COA ang Bulacan Medical Center na gumawa na umano ng iligal na dumping site dahil sa pagkaantala ng kumukuha sa kanilang mga basura.

“Inquiry revealed that as late as February, 2019, the permit of Cleanway, the Province’s service provider on hauling of hospital wastes was still pending approval with the Department of Environment and Natural Resources (DENR),” ayon sa COA report.

Ganito rin umano ang ini-report ng Rogaciano M. Mercado Memorial Hospital kung saan ang nakokolekta lang umano ng Cleanway sa tuwing pumupunta sa nasabing pagamutan ay nasa 30 hanggang 40 na drum lamang ng mga basura at marami pa ang naiiwan na nabubulok na.

Mahigit isang taon na rin umano na hindi pa nakokolekta ng Cleanway ang mga basura naman mula sa Baliuag District Hospital, San Miguel District Hospital, at Calumpit District Hospital. Sa Gregorio Del Pilar District Hospital naman ay pansamantalang itinambak ang mga basura sa balkonahe nito na nasa ikalawang palapag ng pagamutan.

Sabi ng COA, paglabag ang mga ganitong gawain sa Republic Act No. 8749 o Philippine Clean Air Act of 1999, RA 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000, at health manual ng Department of Health.

Noong 2017 ay sinita na rin ng COA ang pamahalaang panlalawigan ng Bulacan dahil inilipat nito ang responsibilidad sa solid waste management na mula sa Bulacan Environmental Natural Resources Office (BENRO) ay ibinigay sa General Services Office (GSO), isang departamento na naka-focus sa quarrying at revenue generation.

Nirekomenda ng COA kay Bulacan Governor Daniel Fernando na atasan ang BENRO para ipatupad ang maayos na waste management practices at pag-isipan ng GSO na kumuha ng bagong service provider para makolekta ang mga nakatambak na hazardous at infectious waste sa mga district hospital. (Yves Briones)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *