Pondo para sa trabaho

Aabot po sa P27.5 bilyong piso ang pondong ilalaan ng gobyerno para sa DOLE sa 2021. Mas mataas po ito ng P9.6 bilyong piso o 53.7% na mas malaki kumpara sa kasalukuyang 2020 budget ng ahensya na P17.9 bilyong piso lamang.

The post Pondo para sa trabaho first appeared on Abante.

pondo para sa trabaho - Pondo para sa trabaho
abante trabaho - Pondo para sa trabaho

Aabot po sa P27.5 bilyong piso ang pondong ilalaan ng gobyerno para sa DOLE sa 2021. Mas mataas po ito ng P9.6 bilyong piso o 53.7% na mas malaki kumpara sa kasalukuyang 2020 budget ng ahensya na P17.9 bilyong piso lamang.

Inaasahan po natin na malaki ang maitutulong ng pagtaas ng budget na ito ng DOLE para maprotektahan ang trabaho ng ating mga kababayan sa gitna ng pandemya.

Napakataas pa rin po kasi ng ating unemployment rate sa ngayon. Sa pagtataya ng National Economic Development Authority (NEDA), mananatili po ito sa 11%-13% hanggang sa katapusan ng taon. Katumbas po ito ng 2.8 milyong Pilipinong walang trabaho.

Inaasahan naman pong makakabawi tayo sa 2021 kung saan maaari nating makamit ang 6.5%-7.5% unemployment rate lalo na po kung magkakaroon na tayo ng bakuna laban sa COVID-19 at bawiin na ang mga quarantine measure na hadlang pa rin po sa ngayon para tuluyang manumbalik ang sigla ng ating ekonomiya.

Malaki po ang ilalaang pondo ng DOLE para sa mga livelihood at emergency employment program para sa mga nawalan ng trabaho tulad ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged / Displaced Workers (TUPAD), Government Internship Program (GIP), Adjustment Measures Program (AMP) gayundin po para sa repatriation at mga livelihood service para sa ating mga kababayang OFWs.

Nasa P11.1 bilyong piso po ang gagastusin sa mga naturang programa o katumbas ng mahigit 40% ng kabuuang budget ng ahensya sa 2021.

Samantala, maglalaan naman po ng P6.8 bilyong pisong pondo para sa Welfare Programs ng OWWA kabilang na ang reintegration at repatriation services para sa mga OFWs.

Ngayon pa lamang po ay nakikipagtulungan na tayo sa DOLE para matiyak na maayos na maipatutupad ang mga programang ito para mas mabigyan ng pangmatagalan o sustenableng hanapbuhay, kabilang na ang pagbibigay ng training at job facilitation services, ang ating mga kababayan.

Ito po ang dahilan kung bakit isinusulong natin ang Senate Bill No. 1456 o ang “TUPAD Act” nang sa gayon ay hindi lamang po limitado ang mga uri ng trabahong maaaring magbenepisyo sa TUPAD lalo na sa panahon ng krisis o pandemya.

Bukod po sa panukalang budget sa susunod na taon, naglaan din po ng P13 bilyong pisong pondo sa ilalim ng Bayanihan 2 Law bilang pang-ayuda sa mga nawalan ng trabaho sa kasagsagan ng pandemya.

Inaasahan po nating makatutulong ang mga pondo para sa mga social amelioration measures tulad ng nabanggit na nating TUPAD, COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP), at DOLE-AKAP gayundin po ang mga training program at tulong puhunan para makalikha ng dagdag na 360,000 trabaho para sa ating mga kababayan.

Nagbigay din po ang Department of Budget and Management (DBM) ng karagdagang P5-bilyong pisong pondo para sa repatriation expense ng 280,000 mga displaced OFWs kabilang na ang mga seafarers ngayong taon.

Nakapaloob po sa pondong ito ang gastos para sa pamasahe sa eroplano, quarantine, at transportasyon pauwi sa kani-kanilang pamilya. Kalakip din po ang P10,000 financial assistance kada OFW.

Nagpapasalamat po tayo sa DOLE at OWWA sa lahat ng kanilang pagpapagod para sa lahat ng ating mga manggagawa, lalong-lalo na po para sa ating mga bagong bayani.

Nakahanda po tayong gawin ang lahat sa Senado sa abot ng ating makakaya para makarating sa ating mga kababayan ang tulong, trabaho at training habang sama-sama po nating nilalabanan ang COVID-19 sa bansa.

The post Pondo para sa trabaho first appeared on Abante.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *