Panelo buking sa Sanchez Pardon

Nakaladkad ang pangalan ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa kontrobersyang kinasasangkutan ni convicted rapist at murderer at dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez.

panelo buking sa sanchez pardon - Panelo buking sa Sanchez Pardon
panelo 1 - Panelo buking sa Sanchez Pardon

Nakaladkad ang pangalan ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa kontrobersyang kinasasangkutan ni convicted rapist at murderer at dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez.

Ito’y matapos mabunyag sa pagdinig ng Senado na dumaan sa kamay ni Panelo ang request ni Sanchez na mabigyan ng executive clemency.

Sa pagtatanong ni Senador Richard Gordon, sinabi ni Board of Pardons and Parole (BPP) Executive Director Reynaldo Bayang na isa si Panelo sa nagpadala ng liham sa kanyang tanggapan kaugnay ng kahilingan ni Sanchez na mabigyan ng executive clemency noong Pebrero 19, 2019

“We write in reference to the letter dated February 8, 2018 from Ms. Marie Antonelvie Sanchez regarding the application of her father, Mr. Antonio L. Sanchez, for executive clemency,” saad ni Panelo sa liham.

“In line with the President’s commitment for good governance, transparency and immediate action on matters that affect the welfare of the people, we are referring this matter to your good office for evaluation, and whatever appropriate action you may want to undertake under the premises.

“We request that your good office update us for record purposes and for whatever action this office may want to undertake consistent with law and the policy of the President for good government,” dagdag pa sa liham.

Si Panelo ay legal counsel ni Sanchez sa kasong rape at murder kina University of the Philippines (UP) Los Baños student Eileen Sarmenta at Allan Gomez.

Nilinaw naman ni Gordon, chairman ng blue ribbon committee, na walang malisya ang linya ng kanyang pagtatanong tungkol sa naturang liham ni Panelo sa BPP.

“Wala hong malisya sa tinatanong ko dito, no. Kaibigan ko si Sal Panelo. Totoo naman ‘yan, hindi naman dinidiin. Ang sinasabi ko lang, sumulat, nilapitan n’yo. In other words, ni-refer,” ani Gordon.

Subalit sa kabila ng liham ni Panelo at rekomendasyon ng ilang opisyal ng gobyerno kabilang si dating Ilocos Norte Representative Imelda Marcos, tinabla naman ng BPP ang ang petisyon para sa clemency ni Sanchez.

“So walang tumalab. Walang kamandag sa inyo ‘yung sulat,” sabi ni Gordon.

Sa kanyang regular press briefing sa Malacañang, inamin ni Panelo na inindorso niya ang sulat ng anak ni Sanchez sa tanggapan ni Bayang hinggil sa hinihinging executive clemency ng dating alkalde.

Binigyang-diin ni Panelo na wala siyang nakikitang iregularidad sa ginawang referral letter dahil karaniwang ginagawa ito ng kanyang tanggapan sa lahat ng mga sulat na natatanggap at saka ipinapadala sa kaukulang ahensiya ng pamahalaan.

Malisyoso aniya ang report dahil walang kinalaman sa mainit na usapin sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law ang hiling ng pamilya Sanchez.
Ang hiniling aniya sa sulat ng anak ni Sanchez ay aplikasyon para sa executive clemency ng kanyang amang si Antonio Sanchez.

“We find it unfortunate that this representation’s referral letter to the Board of Pardons and Parole Executive Director Reynaldo Bayang dated February 16, 2019 is unwittingly and erroneously and even maliciously being reported as a recommendation letter for the executive clemency for former Calauan Mayor Antonio Sanchez. This report is far from the truth and we find it defamatory in nature,” ani Panelo.

Binigyang-diin din ni Panelo na hindi pakikialam ang laman ng kanyang referral letter at malinaw na ipinaubaya niya sa Executive Director ang disposisyon sa kaso ni Sanchez.

“There is no part of this representation’s official communication asking for intervention. The referral letter speaks for itself. On the contrary, this representation left it to the discretion of BPP to evaluate the case of Mr. Sanchez,” dagdag pa ni Panelo.

Inamin naman ni Panelo na tumungo sa kanyang tanggapan sa Malacañang ang pamilya Sanchez para iabot ang liham para sa executive clemency.
“They came to the office and I told them exactly, we will refer the same as we refer all. We cannot do anything about it,” ani ni Panelo.

Naunang nagpaliwanag si Panelo na wala siyang kinalaman sa muntikang pagpapalaya kay Sanchez noong Agosto 20 dahil sa GCTA Law. Sinabi pa nito sa interview sa China na huli niyang nakita si Sanchez, tatlong taon matapos itong mahatulan sa kaso. (Dindo Matining/Aileen Taliping/Prince Golez)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *