Mindanao binalot ng takot, gutom

MAGKAHALONG matinding takot at gutom ang naranasan ngayon ng mga pamilyang nakaligtas sa magkakasunod na pagyanig sa Mindanao.

mindanao binalot ng takot gutom - Mindanao binalot ng takot, gutom
ABANTE Mindanao - Mindanao binalot ng takot, gutom

MAGKAHALONG matinding takot at gutom ang naranasan ngayon ng mga pamilyang nakaligtas sa magkakasunod na pagyanig sa Mindanao.

Bagama’t nangangatog sanhi ng takot at gutom ay mabilis na nagsibaba ng bundok ang mga nakaligtas na mga pamilya sa nangyaring landslides, pawang mga nakayapak at naglakad ng mahigit sa anim na oras upang magtungo sa kapatagan sa Barangay Lauyon, Mindanao.

Sa kapatagan ay doon naninirahan ang mga pamilyang nakaligtas mula sa natabunan nilang mga kabahayan sa naganap na landslides dahil sa takot sa mga aftershock. At dahil sa matinding gutom ay nag-iinit na lamang sila ng tubig na siya nilang iniinom, maging ng kanilang mga paslit na anak upang malamnan ang kumakalam na tiyan.

Hindi na rin nagpapalit ng kanilang mga damit ang mga survivor dahil wala isa mang kagamitan ang kanilang naisalba sa natabunang bahay sa mga naganap na pagyanig nitong nakalipas na dalawang linggo sa nasabing lalawigan.

Dahil dito ay nanawagan sila sa Pangulong Rodrigo Duterte na ayudahan sila sa pagkain at mga masisilungan dahil hindi aniya sapat ang ipinadalang kakaunting tent na ipinagkaloob sa kanilang mga nagsilikas sa kapatagan.

Sa unang pagyanig nitong October 16, umaabot sa 2,012 kabahayan, ilang mga paaralan, at municipal hall ang nawasak at bumagsak sa Magsaysay.

Kaugnay nito, nagkakaubusan na rin ng inuming tubig ang mga residente sa Kidapawan City, at Makilala, North Cotabato nang matuyuan ang mga gripo matapos ang magnitude 6.5 quake na yumanig sa North Cotabato nitong Oktubre 31.

Ayon kay Williamor Magbanua, city information officer, nitong Biyernes ay nagkaroon ng ‘damaged’ ang major reservoirs ng Metro Kidapawan Water District sanhi ng landslide.

“We suffer lack of water, mi­neral water from stores also ran out. Many people are yet to take a bath since Thursday. Fire trucks and water tankers supply water for washing and bathe purposes but drinking water remains a problem,” paliwanag ni Magbanua.

Tiniyak naman ni Stella Gonzales, water district ma­nager, na agad nilang sinosolusyunan ang problema at sa katunayan ay ‘ongoing’ na ang kanilang pagpapakumpuni sa lahat ng kanilang ‘reservoirs’ at naaantala lamang dahil sa mga aftershock.

Nabatid na bukod sa kakapusan ng tubig-inumin, nararanasan din ang panaka-nakang ‘power interruptions’ sa Kidapawan mula ng mangyarin ang pagyanig.
Tinutugunan na rin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamagitan ng kanilang psychosocial intervention ang mga residente ng Cotabato na nakakaranas ng matinding trauma dahil sa sinapit matapos ang tatlong magkakasunod na lindol.

Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao marami sa mga residente ang may takot tuwing nakakaramdam ng aftershocks bukod pa sa nararanasang stress at hirap dahil sa kawalan ng matitirhan at pagkain.

Sa datos ng DSWD ay may 300,000 indibidwal mula sa Region 11 at 12 ang naapektuhan ng tatlong magkasunod na lindol partikular sa Bansalan, Digos City, Magsaysay sa Davao del Sur, Kidapawan City, Makilala, Mlang at Tulunan sa North Cotabato.

Sa ngayon ay mga personal na pangangailangan gaya ng masisilungang tent, mga pagkain, inumin, food packs at hygiene kits ang ipinamimigay ng DSWD subalit sa mga susunod na araw ay inihahanda na ng ahensya ang pagbibigay ng tulong pinansyal. (Dolly Cabreza/Tina Mendoza)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *