Mga mananakay dusa sa jeepney strike

NAHIRAPAN ang mga commuter sa kanilang mga destinasyon kahapon dahil sa isinagawang tigil-pasada ng mga transport organization bilang protesta sa pinatutupad na modernization program ng gobyerno sa mga pampublikong sasakyan.

mga mananakay dusa sa jeepney strike - Mga mananakay dusa sa jeepney strike
ABANTE jeepney strike - Mga mananakay dusa sa jeepney strike

NAHIRAPAN ang mga commuter sa kanilang mga destinasyon kahapon dahil sa isinagawang tigil-pasada ng mga transport organization bilang protesta sa pinatutupad na modernization program ng gobyerno sa mga pampublikong sasakyan.

Alas-singko pa lang nang umaga, tambak na ang mga taong nag-aabang ng masasakyan sa Philcoa na nasa Commonwealth Avenue sa Quezon City. Marami sa kanila ang inabot na ng pagsikat ng araw su­balit hindi pa rin nakasakay.

Bagama’t may mga bumibiyaheng bus, UV Express at mangilan-ngilang jeep na hindi lumahok sa strike, marami pa rin ang stranded sa nasabing lugar.

“Sana kagabi pa in-announce na walang pasok sa ilang government offices kesa ngayon lang. Walang free rides na sinasabi nila sa radyo. Dami ngang stranded,” himutok ng isang pasaherong tumangging magpabanggit ng pangalan.

Ramdam din ng mga pasahero ang strike sa Maynila dahil kahit may libreng sakay ang pamahalaang lokal ay marami pa rin ang nahirapan sa pagkasay.
Hanggang alas-kuwatro nang hapon, dagsa ang nag-aabang sa kahabaan ng Taft Avenue hanggang sa España Boulevard.

Tiba-tiba naman ang mga driver ng habal-habal sa dami ng sumasakay sa kanila, partikular na sa magkabilang service road ng SLEX sa bahagi ng Parañaque City at Muntinlupa.

Nagpakalat ng libreng sakay ang Taguig, Pasay, Parañaque, Las Piñas at Makati City mula alas-siyete nang umaga hanggang alas-sais nang gabi.

Sa Caloocan City, pinagamit ni Mayor Oscar Malapitan ang mga patrol car ng SWAT upang isakay ang mga stranded sa kalye. Uma­bot naman sa 50 sasakyan ang ginamit ng Valenzuela government sa libreng sakay.

Ayon sa Department of Transportation (DOT), maliit lang ang epekto ng strike kahapon dahil sa pagpapakalat nila ng karagdagang bus sa iba’t ibang panig ng Metro Manila.

Pinagmalaki naman ni Metropo­litan Manila Development Authority (MMDA) spokesperson Celine Pia­lago na alas-8:30 nang umaga ay nasolusyunan agad ang problema ng mga mananakay dahil sa pagpapakalat ng mga libreng sakay.

“They were not successful. The government will never allow them to be successful,” diin ni Pialago kaya’t binash din ito sa social media kahapon.

Ayon naman kay Bayan Secretary General Renato Reyes, tagumpay ang isinagawang tigil-pasada sa Metro Manila at iba pang panig ng bansa.

Pinaliwanag naman ni Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) President Efren de Luna, pabor sila sa modernization program ng gobyerno pero ang tinututulan nila ay ang mga requirement sa pagbili ng bagong jeep.

Aabot sa P2.5 milyon ang presyo ng bagong jeep at hinihingan din sila ng proof of parking space na mahirap gawin sa mga lugar na katulad ng Maynila.

Inihahanda naman ng DOTr ang pagkansela ng prangkisa ng mga jeep na lumahok sa strike kahapon. (Juliet de Loza-Cudia/Armida Rico/Orlan Linde/Dolly Cabreza/Riz Dominguez)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *