Metro Manila bantay-sarado sa SAF

ILANG lokal na opisyal sa Metro Manila ang nakatutok ngayon sa pagpasok ng mga baboy na posibleng may African Swine Fever (ASF) bunsod ng pagkakatuklas ng mga ito sa ilang lugar sa lalawigan ng Rizal at Bulacan.

metro manila bantay sarado sa saf - Metro Manila bantay-sarado sa SAF
ABANTE SAF - Metro Manila bantay-sarado sa SAF

ILANG lokal na opisyal sa Metro Manila ang nakatutok ngayon sa pagpasok ng mga baboy na posibleng may African Swine Fever (ASF) bunsod ng pagkakatuklas ng mga ito sa ilang lugar sa lalawigan ng Rizal at Bulacan.

Sa siyudad ng Valenzuela, inatasan ni Mayor Rex Gatchalian ang City Agricultural Office (CAO) na mahigpit na i-monitor ang pumapasok na baboy sa siyudad upang matiyak na negatibo ang mga ito sa ASF, bago katayin sa mga slaughter house ng lungsod.

Ayon kay Dr. Basil Sison, city veterinarian at officer-in-charge ng CAO, kapag walang shipping permit mula sa Department of Agriculture (DA) ang mga baboy na dinadala sa mga tatlong slaughter house sa Valenzuela City, obligado nila itong kumpiskahin upang hindi na ipakatay.

“May mga kasama po tayong veterinary na siyang magdedesisyon kung kailangan katayin ang baboy para dalhin sa mga palengke, kapag walang shipping permit, kumpiskado ito kahit na gaano pa sila (baboy) kadami,” ani Dr. Sison.

Nagsasagawa din ang CAO ng monitoring sa mga palengke para sa mga ibinebentang karne ng baboy, para masiguro na hindi ito kontaminado ng ASF.

“Kapag walang permit o tatak ng meat ins­pection, obligado rin na kumpiskahin ang mga paninda, para hindi na ito maibenta,” dagdag ni Dr. Sison.

Ayon naman kay Zian Caina, Public Information Officer (PIO) ng Valenzuela City Go­vernement Unit, anim na buwan ang ibinigay na palugit sa mga nag-aalaga ng baboy sa backyard.

“Bawal po talaga ang back yard, kasi kinakatay nila ang mga ala­gang baboy para ibenta kahit pa walang meat inspection,” ani Caina.

Sabi ni Caina, hindi na aabot pa pagkum­piska para obliga­hing patayin ang mga alagang baboy, lalo pa’t ang iba ­ito ay ito lang ikinabubuhay.

Ipinagbawal naman ang pagpasok sa Area 5 ng Barangay Bagong Silangan sa Quezon City kung saan matatagpuan ang mga backyard piggery. Umaabot na sa 50 baboy ang pinatay dito sapul nang ihayag ni Mayor Joy Belmonte na positibo sa ASF ang 11 patay na baboy na nakita sa isang creek.

Pinagbawal ng mga opisyal ng barangay ang paglabas-masok ng baboy sa lugar nang walang permiso o pahintulot mula sa veterinarian ng lungsod.

Nagbabala na rin si Marikina Mayor Marcelino Teodoro na kakasuhan ang mga nagtatapon ng patay na baboy sa Marikina River. Tinata­yang 58 patay na baboy ang tinapon sa ilog sa mga nagdaang araw.

Tiniyak naman ni Agriculture Secretary William Dar na kontrolado na ang outbreak ng ASF sa Rizal at sa Bulacan sa kabila nang kaliwa’t kanan na balita ng mga patay na baboy na natatagpuan sa ilang ilog sa Marikina, Quezon City, pati na sa Nueva Vizcaya.

Sa isang statement, sinabi ng DA na maitutu­ring na outbreak ang nangyari sa Bulacan at Rizal pero hindi pa raw ito epidemic.

Hindi pa makumpirma ni DA spokesperson Noel Reyes ang sanhi ng pagkamatay ng mga baboy sa Quezon City sa kabila ng pahayag ng local government na ASF ang ikinamatay ng mga ito dahil dinadaan pa sa lab tests ang mga sample nito. Sabi ni Reyes, hindi rin ASF ang ikinamatay ng mga baboy sa Nueva Vizcaya na natagpuan sa likod ng bus station.

Samanta, ipinagbawal naman ng provincial ve­terinarian ng lalawigan ng Batangas ang pagpasok ng buhay na baboy, karne ng baboy, at mga pork product mula sa lalawigan ng Rizal, Bulacan at Pampanga.

Isinagawa ni Batangas provincial verterinarian Romelito Marasigan ang temporary ban sa lahat ng buhay ng baboy, karne ng baboy at pork products mula sa tinatawag nitong lugar na apektado ng Africa­n Swine Fever.

Ang ban ay nagsimula nu’ng Setyembre 9. (Orlan Linde/Eileen Mencias/Riz Dominguez)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *