Huwag i-recycle si Albayalde!

BAGAMA’T nagbitiw sa kanyang puwesto si dating Philippine National Police (PNP) Oscar Alba­yalde, dapat pa ring papanagutin ito sa kanyang naging papel sa tinaguriang ‘ninja cops’ na sangkot sa kontrobersyal na drug bust sa Pampanga noong 2013.

huwag i recycle si albayalde - Huwag i-recycle si Albayalde!
Oscar Albayalde ABANTE - Huwag i-recycle si Albayalde!

BAGAMA’T nagbitiw sa kanyang puwesto si dating Philippine National Police (PNP) Oscar Alba­yalde, dapat pa ring papanagutin ito sa kanyang naging papel sa tinaguriang ‘ninja cops’ na sangkot sa kontrobersyal na drug bust sa Pampanga noong 2013.

Ito ang sinabi ni Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan dahil kung hindi aniya ito makakasuhan posibleng ma-recycle din ito at mabig­yan pa ng ibang posisyon sa gobyerno balang araw.

“Dapat otherwise magrerecycle na naman tayo sa puwesto at dapat matuto na tayo yung mga nasangkot sa kalokohan wag nang i-recycle,” pahayag ni Pangilinan sa panayam sa dzBB kahapon.

“Ganyan ang nangyari kay Faeldon. Matuto naman tayo ‘wag na ire-recycle ang mga nasasangkot sa kalokohan,” dagdag pa ng senador.

Ang tinutukoy ni Pangilinan ay si dating Bureau of Correction (BuCor) Nicanor Faeldon na ilang beses na nabigyan ng posisyon sa gobyerno kahit nadawit ito sa kontrobersiya.

Una nang sinibak ni Pangulong Rodrigo Duterte si Faeldon dahil sa pagkakadawit ng pangalan sa P6.4 bilyong drug smuggling sa Bureau of Customs, sa panahon na siya pa ang hepe ng naturang ahensiya.

Matapos masipa, itinalaga naman ni Duterte si Faeldon sa Office of Civil Defense at kalauna’y inilipat naman bilang hepe ng BuCor noong 2017.

Muli na namang sinibak ni Duterte sa Faeldon noong Setyem­bre matapos madawit naman ang pangalan sa kontrobersyal na Good Conduct Time Allowance (GCTA) scheme na nagresulta sa dapat sana’y maagang pagpapalaya kay convicted rapist/killer at dating Calauan, Laguna mayor­ Antonio Sanchez.
“Yun na nga anong anti-corruption campaign dun tapos yung iba narere-appoint pa. Nakakaapekto ito sa overall sinseridad o credibility ng anti-corruption o anti-drug campaign,” ani Pangilinan.

“Kawawa ang ating mga kababayan mas marami ang mahihirap kaya dapat patas ang pa­lakad,” dagdag pa nito.

Nauna rito’y, inirekomenda ng Senate blue ribbon at justice and human rights committee sa pamumuno ni Senador Richard Gordon na kasuhan si Albayalde ng graft o katiwalian dahil sa pagkakasangkot sa anti-drug operation sa Mexico, Pampanga noong 2013.

Guilty umano si Albayalde na noo’y chief of police ng Pampanga, at ang 13 pulis ng ‘malfeasance, misfeasance and nonfeasance’ dahil sa nasabing kuwestiyonableng drug raid.

“He is liable for anti-graft and that would be up to Ombudsman or DOJ (Department of Justice). By reason of his seniority, by reason of his moral superiority, his competence,” pahayag ni Gordon matapos iprisenta sa media ang draft report ng dalawang komite na kanyang pinamunuan.

Ipauubaya namang ng Malacañang sa korte ang usapin hinggil sa isasampang kaso kay Albayalde at sa 13 dati niyang tauhan sa Pampanga.

“Gaya ng sinabi namin noong nakaraang araw, kung ano man ang findings ng kanilang rekomendasyon, whether or not cases­ will be filed, the nature of cases­ filed against them will be discretion na yun ng mga prosecutors that will assess the evidence, kung ano ang dapat i-file,” wika ni Presidential Spokesman Salvador Panelo.

“Whether or not guilty sila o hindi, nasa hukuman na yun, assuming na makapasa yun sa prosecutors level,” dagdag pa niya.

Binanggit pa ni Panelo na hinihintay din ni Pangulong Duterte ang resulta ng imbestigasyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa isyu ng ‘ninja cops’ na kinasasangkutan ni Albayalde.

“Sabi ni Pangulong Duterte, he will act on the recommendation of the DILG secretary sa kanyang imbestigasyon. (Dindo Matining/Prince Golez)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *