Drug War pinasa kay Leni

OPISYAL nang itinalaga ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte si Vice President Leni Robredo bilang co-chairman ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs.

drug war pinasa kay leni - Drug War pinasa kay Leni
leni 16 - Drug War pinasa kay Leni

OPISYAL nang itinalaga ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte si Vice President Leni Robredo bilang co-chairman ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs.

Batay sa nilagdaang dokumento ng Pangulo, inatasan ng Pangulo ang Pangalawang Pangulo para pangunahan ang kampanya kontra iligal na droga hanggang June 30, 2022.

“Pursuant to the provision of existing laws, rules and regulations, you are hereby designated as the Co-Chairperson of the Inter-Agency Committer on Anti-Illegal Drugs to lead the Go­vernment’s efforts against illegal drugs until 30 June 2022, unless sooner revoked,” anang memorandum ng Pangulo.

Inaatasan ng Presidente ang Philippine Drug Enforcement Agency, Philippine National Police, Dangerous Drugs Board at lahat ng law enforcement agency na alalayan at ibigay ang suporta sa Pangalawang Pangulo para sa ikatatagumpay ng kampanya laban sa iligal na droga sa bansa.

Ang kopya ng memorandum order ng Pangulo na may petsang October 31, 2019 ay ipinadala ni Executive Secretary Salvador Medialdea sa Office of the Vice-President sa Quezon City.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na sa pagtatalaga kay VP Leni bilang drug czar ay pinatunayan lamang ng Palasyo na sinsero si Pangulong Duterte sa kanyang alok sa Bise-Presidente.

Idinagdag pa ni Panelo na kung sakaling tanggapin ni Robredo ang inaalok na puwesto ay baka ito pa ang maging hagdan niya para maging pangulo ng bansa sa 2022.

Binanggit pa ni Panelo na nasa kamay na ni Robredo kung ipagpapatuloy ang Oplan Tokhang at kung papalitan ang sistemang pinapatupad ngayon ng mga awtoridad sa kampanya kontra iligal na droga.

Nilinaw din ng kalihim na ca­binet post ang alok na bagong posisyon sa Pangalawang Pa­ngulo kaya’t maaari na itong makadalo sa mga Cabinet mee­ting.

Hinikayat naman nina Senador Bong Go at Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor si Robredo na tanggapin ang alok na puwesto sa gobyerno.

Ngunit ayon naman kay Albay Rep. Edcel Lagman, patibong lang ang alok na puwesto kay Robredo.

Hindi naman nagbigay ng pahayag si Robredo subalit ayon sa tagapagsalita nitong si Atty. Barry Gutierrez, walang kalaman-laman ang alok na puwesto.

“Tingin namin palabas ito eh,” sambit ni Gutierrez. (Aileen Taliping/JC Cahinhinan/Prince Golez)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *