Drug queen na kapitana ng Sampaloc tutugisin

NAKIKIPAG-UGNAYAN na ang Phi­lippine National Police (PNP) sa kanilang counterpart sa abroad upang malaman kung saan nagtatago ngayon ang tinaguriang ‘Drug Queen’ na si Guia Gomez Castro.

drug queen na kapitana ng sampaloc tutugisin - Drug queen na kapitana ng Sampaloc tutugisin
ABANTE NCRPO - Drug queen na kapitana ng Sampaloc tutugisin

NAKIKIPAG-UGNAYAN na ang Phi­lippine National Police (PNP) sa kanilang counterpart sa abroad upang malaman kung saan nagtatago ngayon ang tinaguriang ‘Drug Queen’ na si Guia Gomez Castro.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Police Major General Guillermo Eleazar, kailangan ng tulong ng mga dayuhang bansa para matunton si Castro.

Base sa huling natanggap na report ng NCRPO dumating si Castro mula Vancouver, Canada nitong Set­yembre 18, nang taong kasalukuyan, sakay ng Philippine Airline flight PR 119. Umalis naman ito sakay ng Cebu Pacific flight 5J931 patungong Bangkok, Thailand noong Setyembre 21.

Naglabas-masok ito sa bansa dahil wala naman umanong derogatory record ito sa Bureau of Immigration (BI) kahit matagal na siyang sinusubaybayan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na siyang bumibili ng mga nire-recycle na iligal na droga ng mga tiwaling pulis na binansagang ‘ninja cops’.

Noong Martes nang gabi, pina­ngalanan ni Manila Police District (MPD) Director Police Brigadier Ge­neral Vicente Danao ang sinasabing ‘drug queen’ na si Castro. Nahalal itong chairwoman ng Barangay 484, Zone 4 ng Sampaloc, Maynila noong 2018 elections pero hindi naman nakapagpanumpa kaya’t may itinala­gang OIC.

Ayon kay Eleazar, sinabi sa kanila ng OIC na si Weng Calma, na nasa Amerika umano si Castro.

Nauna nang sinabi ni Eleazar na ang mga ‘ninja cops’ na sangkot sa iligal na aktibidad ni Castro, ay wala na aniya sa serbisyo, ang siyam dito ay mga patay na, ‘yung dalawa ay retirado na, ang dalawa naman ay sinibak sa serbisyo at ang dalawa pa ay na-AWOL.

Gayunpaman, sinabi nito na posible rin aniyang sangkot sa drug recycling ang ilang aktibong pulis.

“Wala na talagang aktibong pulis na sa ngayon ay involved dito except doon sa mga hindi natin mapangalanan dahil hindi natin alam,” ayon pa kay Eleazar.

Sinabi naman ni Danao na siya mismo ang papatay kay Castro kapag may nagturo sa kanya kung saan ito nagtatago.

Ayon pa kay Danao, si Castro ang una niyang tinarget nang maupo sa puwesto pero nakatunog umano ito at umalis ng Maynila.

Nanawagan naman si Manila Mayor Isko Moreno sa mga kaanak ni Castro na isuko ito sa mga awtoridad. (Armida Rico/Juliet de Loza-Cudia)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *