Curfew sa mga menor de edad pinatupad ni Isko

Opisyal na ipinatupad sa Lungsod ng Maynila ang curfew hour para sa mga menor de edad o 18-anyos pababa.

curfew sa mga menor de edad pinatupad ni isko - Curfew sa mga menor de edad pinatupad ni Isko
curfew 1 - Curfew sa mga menor de edad pinatupad ni Isko

Opisyal na ipinatupad sa Lungsod ng Maynila ang curfew hour para sa mga menor de edad o 18-anyos pababa.
Ayon kay Manila Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso, ang curfew hour para sa mga menor de edad ay magsisimula alas-10:00 nang gabi hanggang alas-singko nang madaling-araw.
Ang istriktong pagpapatupad sa curfew hour sa mga menor de edad ay iniutos ni Moreno matapos ang natanggap na tawag mula sa isang concerned citizen sa Delpan dahil sa mga nagra-riot na kabataan.
Nabatid na personal na pinuntahan ni Moreno ang lugar at napagpasyahan na ikutin na ang buong Tondo para ipaalam sa mga Manilenyo na magpapatupad na ng curfew hour sa Maynila kung saan sinabihan nito ang mga magulang na pauwiin na sa kanilang bahay ang mga bata.
Pasado alas-11:00 nitong Linggo nang gabi nang magsimulang baybayin ni Moreno ang Tondo kasama si P/Major Rizalino Ibay Jr. na umabot pasado ala-una nang madaling-araw.
Nakipaghabulan din si Moreno sa mga batang nasa kalye na ang iba ay naaktuhan na nagso-solvent pa at ang mga nahuling bata ay isinakay ng mobile at dinala sa Manila Social Welfare Department (MSWD).
Maging ang mga nag-iinuman sa kalsada ay dinakma rin ng mga pulis.
Naging mala-piyesta naman ang pagpasok ni Moreno sa mga kalsada sa Tondo nang pagkaguluhan ng mga residente kahit na hatinggabi na dumating ang alkalde.
Kaugnay nito, inatasan ni Moreno ang Manila Police District (MPD) na hanapin at arestuhin ang mga supplier ng solvent sa mga batang lansangan. (Juliet de ­Loza-Cudia)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *