Bentahan ng sakahan namumuro sa Rice Tariffication Law

bigas-rice

SA gitna ng pahayag at babala ng ilang mga mambabatas hinggil sa pagbulusok ng presyo ng palay sa bansa, nanatiling nasa ilalim ng pangamba ang mga magsasaka hinggil sa kanilang sasapitin. Inalam ng Abante ang reaksyon ng ilang mga direktang natatamaan ng isyu.

bentahan ng sakahan namumuro sa rice tariffication law - Bentahan ng sakahan namumuro sa Rice Tariffication Law
bigas rice - Bentahan ng sakahan namumuro sa Rice Tariffication Law

SA gitna ng pahayag at babala ng ilang mga mambabatas hinggil sa pagbulusok ng presyo ng palay sa bansa, nanatiling nasa ilalim ng pangamba ang mga magsasaka hinggil sa kanilang sasapitin. Inalam ng Abante ang reaksyon ng ilang mga direktang natatamaan ng isyu.

Ayon kay National Federation of Peasant Women chairperson Zenaida Soriano, naglalaro mula sa P7 per kilo ang palay sa Zaragoza at Licab, Nueva Ecija pati na sa San Jose, Tarlac at sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.

Habang P8 per kilo naman ang palay sa Pagsanjan sa Laguna, sa Candaba sa Pampanga, at sa San Miguel sa Bulacan. Samantalang P10 hanggang P12 naman ang presyo ng palay sa Naic sa Cavite, sa Capas sa Tarlac, sa lalawigan ng Cagayan at sa mga bayan ng Arayat, Sta. Ana, Magalang, Mexico, at San Luis sa Pampanga.

Kaugnay nito, nangangamba ang magsasakang si Rommel Arcega sa magiging hanapbuhay dahil maging ang kanyang kapatid ay pinag-iisipan nang ipagbili ang bukid na sinasaka sa Bustos, Bulacan.

Marami na umano kasi ang nagbenta na ng kanilang mga bukid noon pa mang itinatayo ang bypass highway na daanan mula NLEX sa Balagtas papuntang Cabanatuan. Ginagawa pa lang umano ang kalye ay nagbilihan na ng mga bukid ang mga negosyante.

Himutok nito, hindi rin naman umano makapagtanim nang maayos dahil pinapatayan sila ng supply ng tubig para umano bigyang prayoridad ang ginagawang subdivision.

Kung pagbabatayan ang moni­toring ng Philippine Statistics Authority (PSA), nasa P17.62 per kilo pa ang average na presyo ng palay sa bansa mula Agosto 7 hanggang Agosto 13 at ang pinakamurang presyo na nakita nito ay P14.35 per kilo sa Surigao del Sur.

Simula nang tinanggalan na ng papel ang National Food Authority (NFA) sa pag-aangkat ng bigas sa ilalim ng Rice Tariffication Law noong Marso hanggang ngayong Hulyo, 208 na entities na ang binigyan ng Bureau of Plant Industry ng import clea­rance para mag-angkat ng 2.04 milyong tonelada ng bigas, higit na marami kaysa sa humigit-kumulang na 1.7 milyong inangkat na bigas noong 2018.

Sinisi naman ng grupong Bantay Bigas sa Rice Tariffication Law o Republic Act 11203 na inakda ni Senador Cynthia Villar at pinirmahang batas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbulusok ng presyo ng bigas.

Layunin ng batas na maibaba ang presyo ng bigas sa pamilihan sa pagpataw ng rice tariff imbes na quota, pero hindi nagkatotoo ang pangako noon ni Villar.

Batay sa datos ng PSA, higit $696.1 milyon ang halaga ng bigas na inangkat ng Pilipinas noong 2018, mahigit doble na nga ng $338.9 milyon na inangkat noong 2017.

Naantala na ang pagbigay ng P10 bilyong ayuda sa mga magsasaka sa ilalim ng Rice Tarrification Law na sinisisi ng Fede­ration of Free Farmers sa kagustuhan ni Villar na idaan sa ilang piling ahensiya imbes na sa Department of Agriculture na nakakakita ng sitwasyon nang buo.

At sa P1 bilyong pondo na para sa training, nais pa ni Villar na ilagay ang P700 milyon sa TESDA samantalang P100 mil­yon lamang ang ilalaan sa Agricultural Training Institute kung saan kumukuha pa ang TESDA ng mga trainer sa larangan ng agrikultura.

Hiling ng mga magsasaka, matulungan sila ng mga nasa pamahalaan upang maipagpatuloy pa ang hanapbuhay.

Nauna nang sinabi ni Villar sa isang Senate debate na fake news ang pagbagsak ng presyo ng palay dahil sa Rice Tariffication Law. (Eileen Mencias)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *