Atake sa press freedom

Kinondena ng Malacañang at mga senador ang tangkang panununog ng apat na armadong kalalakihan sa printing plant ng Abante News Group nitong Lunes nang madaling-araw sa Barangay San Isidro, Sucat, Parañaque City.

atake sa press freedom - Atake sa press freedom
ABANTE Abante News Group - Atake sa press freedom

Kinondena ng Malacañang at mga senador ang tangkang panununog ng apat na armadong kalalakihan sa printing plant ng Abante News Group nitong Lunes nang madaling-araw sa Barangay San Isidro, Sucat, Parañaque City.

Itinuturing ito ni Communications Secretary Martin Andanar na pag-atake sa press freedom.

“I totally denounce this cowardly act against a respected news organization such as Abante. There is no room for media violence in this administration,” diin ni Andanar na isa sa kolumnista ng pahayagan.

Inatasan naman nina Andanar at Justice Secretary Menardo Guevarra ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) na magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa insidente.

Nitong Lunes dakong alas-dos nang madaling-araw, pinasok ng apat na armado at naka-hood na kalalakihan, ang printing plant ng pahayagan sa No. 8272 Fortunata Building 1, Vitalez Compound, Barangay San Isidro ng nabanggit na lungsod.

Katatapos lamang noon i-deliver ang mga inimprentang diyaryo ng Abante at Abante Tonite.

Agad nilang tinutukan ng baril ang tatlong guwardiya, at pumasok ang dalawang suspek na may bitbit na galon at bote ng gasolina at binuhos sa nakatambak na diyaryo, magazine at mga kalendaryo saka sinilaban.

Sinunog din nila ang isang makina at nagmamadaling umalis sa nasabing planta. Inabot lamang nang halos limang minuto ang pag-atake sa printing plant na ikinasugat ng dalawang empleyado.

Agad namang rumesponde ang Parañaque Fire Station at naapula ang pagkalat ng apoy

“Mabuti na lamang ay hindi lumaki ang apoy at walang pamilya o buhay na naapektuhan sa naganap na panununog,” wika ni Parañaque City Bureau of Fire Protection Marshall Supt. Robert Pacis.

Umabot sa P50,000 ang napinsalang ari-arian na dineklarang fire-out dakong alas-2:20 nang madaling-araw.

Inatasan naman ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ang kapulisan sa pangunguna ni Police Col. Robin Sarmiento, hepe ng Parañaque City Police na magsagawa ng masusing imbestigasyon dito sa naganap na insidente.

Pinaiimbestigahan din ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) director, Major General Guillermo Eleazar ang nasabing insidente.

Nagpasalamat naman ang patnugot ng Abante News Group sa maagap na pagresponde ng Parañaque Fire Station at ang pagpapadala ni Gen. Eleazar ng mga pulis sa planta.

“The management and staff of Abante-Tonite condemn this dastardly attack, the first violent act against our group and its facilities since 1987. We will not be cowed by this attempt to strike fear into our reporters, editors and staff. Our commitment to hard-hitting journalism remains unshaken,” ayon sa statement ni Fernando Jadulco, managing editor ng pahayagan.

Kinondena naman ng mga senador ang ginawang pag-atake sa printing plant ng Abante News Group.

“Malinaw itong pananakot, hindi lamang sa Abante, kundi sa mga mamamahayag na nagbabalita lamang ng impormasyon at nagsisiwalat ng korapsyon at maling gawain ng iba’t ibang tao, kabilang na ang tiwali sa gobyerno,” ani Senador Grace Poe.

Nanawagan din si Poe sa mga awtoridad na magkaroon ng masusing imbestigasyon sa insidenteng ito para mapanagot ang mga may kagagawan sa naturang insidente.

“I condemn this cowardly attack on Abante early Monday, September 9, morning, when four armed men reportedly barged in and burned the printing facilities and supplies. I laud our local police for quickly responding to the scene. I call upon them to expedite their investigations. I want to find out if this attack is related to Abante’s fearless reporting.” pahayag naman ni Senador Bong Go.

“I do not condone any attack on legitimate media entities and shall always endeavor to advance their press freedom,” dagdag pa niya. (Armida Rico/Aileen Taliping/Prince Golez/Dindo Matining)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *