Alok ng Marikina gov’t sa Marikenos: Libreng pag-aaral ng medisina

Maaari nang matupad ng mga residente ng Marikina City ang kanilang pangarap na maging doktor dahil may alok na “full medical scholarship grant” sa kanila ang Marikina City local government sa siyam na piling medical school sa Metro Manila.

alok ng marikina govt sa marikenos libreng pag aaral ng medisina - Alok ng Marikina gov’t sa Marikenos: Libreng pag-aaral ng medisina
Marcelino “Marcy” Teodoro - Alok ng Marikina gov’t sa Marikenos: Libreng pag-aaral ng medisina

Maaari nang matupad ng mga residente ng Marikina City ang kanilang pangarap na maging doktor dahil may alok na “full medical scholarship grant” sa kanila ang Marikina City local government sa siyam na piling medical school sa Metro Manila.

Nilagdaan ni Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro ang City Ordinance No. 078 Series 2019 o ang “Libreng Pag-aaral sa Pagdodoktor para sa Marikenos” sa isang ceremonial signing na dinaos sa Shoe Hall at nabatid nitong Lunes, Oktubre 7, 2019.

Ang naturang ordinansa ay inakda ni Vice Mayor Marion Andres, M.D. at siya ring nagsulong na maipasa ito sa City Council.

Sa ilalim ng city ordinance, ang scholarship grant ay maaaring ma-avail sa mga medical school, na kinabibilangan ng Pamantasan Lungsod ng Maynila, Far Eastern University, Emilio Aguinaldo College, Manila Central University, University of Sto. Tomas, Fatima University, University of the East, University of Perpetual Help System Dalta, at St. Luke’s College of Medicine.

Upang makakuha ng scholarship, kinakailangan ng isang aplikante na maging isang bonafide Marikina resident; hindi hihigit sa 30-taong gulang sa pag-graduate sa pre-medicine courses; pumasa sa Entrance Examination for Medicine sa alinmang nabanggit na paaralan na nagkakaloob ng scholarship; dapat na magsumite ng letter of intent na makapag-avail ng scholarship; may anumang Bachelor’s Degree na itinuturing na pre-medicine courses; at nakapasa at inendorso ng Medical Scholarship Grant Secretariat at ng Medical Scholarship Board.

Nabatid na maging ang mga “continuing medical students” na nasa kanilang 2nd hanggang 4th year status ay maaari pa ring mag-avail ng scholarship.

Nilinaw naman ng lokal na pamahalaan na ang naturang medical scholarship program ay limitado lamang sa limang slot kada school year.

Ayon kay Andres, bilang isang doktor, inakda niya ang ordinansa upang makatulong sa mga residente na nais na pumasok sa larangan ng medisina.

Kwento ni Andres, siya man ay galing sa mahirap na pamilya at kinailangan ding kumuha ng medical scholarship para matustusan ang pangarap niyang maging doktor.

Sa panig naman ni Teodoro, sinabi nito na ang mga medical scholar ng local government na makakapasa sa Board Exam ay dapat na maglaan ng dalawang taong professional service bilang doctor sa gobyerno ng nasabing lungsod.

Ang halaga ng ipagkakaloob na scholar grant kada semestre ay tutukuyin ng chairman ng Medical Scholarship Board, at maaari itong gamitin ng estudyante sa kanyang tuition fee, transportation, allowance, mga board at lodging allowance, mga uniform, textbook, at iba pang kinakailangang school supplies.

Kukunin ang pondo ng programa mula sa school board o general fund ng lokal na pamahalaan.

Target naman ng Marikina City government na maipatupad ang programa sa susunod na academic year. (Edwin Balasa)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *