Albayalde Kakasuhan ng Senado sa ‘Ninja Cops’

IREREKOMENDA ng Senate Blue Ribbon Committee ang paghahain ng kaso laban kay Philippine National Police (PNP) Chief Ge­neral Oscar Albayalde dahil sa isyu ng drug recycling at ‘ninja cops’.

albayalde kakasuhan ng senado sa ninja cops - Albayalde Kakasuhan ng Senado sa ‘Ninja Cops’
albayalde 5 - Albayalde Kakasuhan ng Senado sa ‘Ninja Cops’

IREREKOMENDA ng Senate Blue Ribbon Committee ang paghahain ng kaso laban kay Philippine National Police (PNP) Chief Ge­neral Oscar Albayalde dahil sa isyu ng drug recycling at ‘ninja cops’.

Ayon kay Senador Richard Gordon, chairman ng komite, binabalangkas na ang committee report upang mapirmahan ng mga miyembro ng komite.

Mapapaloob sa committee report ang rekomendasyon sa kasong isasampa laban sa paretirong PNP chief at iba pang pulis na nakaladkad sa isyu.

Base sa mga testimonya at ebidensiyang nakalap ng komite, sinabi ni Gordon na si Albayalde ay maaaring sampahan ng kasong kriminal at administratibo.

“It can be graft and corruption; at the very least, negligence. Pero pag-uusapan pa ‘yun ng blue ribbon committee,” wika ni Gordon sa isang forum sa Quezon City nitong Sabado.

“Malfeasance ‘yung ginawa niyang paglapit. Malfeasance ‘yung ginawa niya na hindi niya tsini-check if it’s within the law. Nonfeasance ‘yung ‘di niya kinasuhan ‘yung mga tao niya,” paliwang ni Gordon.

Sinabi pa ni Gordon na maaari silang makabuo ng malakas na kaso laban kay Albayalde.

Aniya, mala­king bagay ang naging testimonya ni dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) deputy director for operations Rudy Lacadin na tinawagan siya ni Albayalde at sinabing maliit lang ang tinanggap niya sa kontrobersyal na buy-bust operation na isinagawa ng mga tauhan nito sa Pampanga noong Nobyembre 2013.

“Another general came, Lacadin… We have the circumstantial connection that if you put together you can real­ly build up a very, very strong case criminally and administratively,” ani Gordon.

Nauna nang nagbigay ng testimonya si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) chief Aaron Aquino na tinawagan siya ni Albayalde noong provincial director siya ng PNP at nakiusap na huwag ipatupad ang dismissal order sa 13 tauhan ni Albayalde na nasangkot sa kontrobersyal na operasyon.

Sa nasabing operasyon, pinatakas umano ng mga pulis ang drug lord na si Johnson Lee sa halagang P50 mil­yon, samantalang ang higit sa 160 kilo ng shabu ay hindi dineklara kundi 38 kilo lamang ang prinisinta sa media.
“He really needs a strong lawyer,” sambit ni Gordon.

Mariin nang itinanggi ni Albayalde ang mga akusasyon sa kanya at sinabi pang pinagtutulungan siya ng mga opisyal na nagsilbi sa dating administrasyon.

Nagbabala din si Albayalde na kakasuhan niya ang mga taong nanira sa kanyang pa­ngalan kung saan ang de-kalibreng abogadong si Estelito Mendoza ang kinuha niya.

Ngunit ayon kay Gordon, hindi maaaring kasuhan sina Aquino at Lacadin dahil bahagi ng “privilege information” ang testimonya nila sa Senado.

“Hindi makakasuhan iyan. Tingin ko mahina ang kaso niyan,” ani Gordon sa interview ni Cely Bueno sa DWIZ.

Early retirement itinanggi
Samantala, itinanggi naman ni Presidential Communicatons Office (PCOO) Secretary Martin Andanar ang ulat hinggil sa maagang pagreretiro umano ni Albayalde.

Ayon kay Andanar, hindi aniya early retirement kundi mungkahi lamang para sa maagang turn-over ng lide­rato ng PNP.

“I was with him on the phone earlier, he said he was misquoted. It wasn’t early retirement but a proposal for early turnover,” ani Andanar.

Iminungkahi lamang aniya ang October 29 dahil paalis si Pangulong Rodrigo Duterte para sa Association of SouthEast Asian Nations (ASEAN) summit.

Sinabi aniya ni Albayalde kay Andanar na wala pang kumpirmasyon o opisyal na dokumento at sakaling matuloy ay turnover of command lamang.

Binanggit naman ni Senador Bong Go na malalaman sa Martes kung ano ang magiging kapalaran ni Albayalde sa pag-uusap nila ni Pangulong Duterte
“Sa Tuesday pa ang most probable meeting nila. Merong command conference sa Tuesday sa Malacañang. Dun ninyo malalaman kung siya pa rin,” ani ni Go. (Aileen Taliping/Lorraine Gamo)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *