Albayalde: bakit ako magre – resign?

NANINIWALA si Phi­lippine National Police (PNP) Chief General Oscar Albayalde na ang pagdawit ng kanyang pangalan sa isyu ng ‘ninja cops’ ay isa umanong patibong upang siya ay magbitiw nang maaga sa kanyang puwesto bilang hepe ng pambansang pulisya.

albayalde bakit ako magre resign - Albayalde: bakit ako magre – resign?
albayalde 5 - Albayalde: bakit ako magre – resign?

NANINIWALA si Phi­lippine National Police (PNP) Chief General Oscar Albayalde na ang pagdawit ng kanyang pangalan sa isyu ng ‘ninja cops’ ay isa umanong patibong upang siya ay magbitiw nang maaga sa kanyang puwesto bilang hepe ng pambansang pulisya.

“What I see is that’s their end game. I will not fall into that trap,” pahayag ni Albayalde sa isang television interview kahapon sa tanong na kung kinukonsidera ba niya na magbitiw sa kanyang puwesto dahil sa mga alegasyong ibi­nabato sa kanya

“I think this is all about that… I think that’s a trap,” dagdag ni Albayalde.

Nakatakdang magretiro si Albayalde sa Nobyembre 8, 2019 sa kanyang pagsapit ng edad na 56-anyos na mandatory retirement age, subalit may mga ugong nitong nakalipas na buwan na ikunukun­sidera ni Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin pa ang kanyang termino bilang PNP chief dahil sa magandang pamumuno nito sa kapulisan.

Ayon pa kay Alba­yalde, naniniwala siya na mayroong nasa likod ni dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at ngayon ay Baguio City Mayor Benjamin Ma­galong sa pagdadawit nito sa kanyang pangalan sa isang drug raid sa Pampanga noong Nobyembre 2013 na lumabas sa imbestigasyon ng Senado tungkol sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law na nauwi sa isyu ng ‘ninja cops’.

Si Albayalde ang provincial director noon ng Pampanga dahilan upang masibak ito dahil sa command responsibility matapos lumabas sa imbestigasyon ng CIDG na 200 kilo ng shabu ang nakuha sa bahay ng drug lord na si Johnson Lee, pero 38 kilo lamang ang idineklara ng mga pulis na miyembro ng Provincial Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Force ng Pampanga Provincial Police Office.

Sa imbestigasyon ni Magalong, pinalaya din umano si Lee sa halagang P50 milyon, kinuha rin ng raiding team ang box na tinatayang naglalaman ng P10 milyong cash at hinuli ang isang Chinese na siyang ipinalit sa pinakawalang si Lee.

Ang 13 pulis sa pangunguna ni Supt. Rodney Baloyo IV ay nirekomenda ng regional director na sibakin sa trabaho subalit noong 2017, dinemote lang sila ng isang ranggo.

Sa Senate hearing nitong Martes, sinabi ni Magalong na nakialam umano si Albayalde dismissal order sa 13 pulis.

Paliwanag naman ni Albayalde dito na malabo ang sinasabi ni Magalong na pakikialam niya sa kaso dahil mas mababa ang kanyang ranggo kumpara kay Magalong na Hene­ral na ang ranggo ng mga panahon na iyon, dagdag pa nito na kahit kailan ay wala umano siyang hiningian ng pabor kahit kanino sa PNP.
Hinamon din ni Albayalde si Magalong na magpakita ng pruweba na may binili siyang bagong SUV pagkatapos ng nasabing drug operation.

“I ask again. Please show me a proof, even a picture, these are all allegations,” saad ni Albayalde sa pagpapa­tuloy ng kanyang pa­nayam sa TV.
“When you talk of something you have to show proof,” dagdag pa ng opisyal.

Nanawagan naman si Senador Richard Gordon kay Alba-yalde na magbitiw na sa kanyang puwesto matapos makaladkad sa isyu ng ‘ninja cops’ ng kanyang mga dating tauhan.

“He should consider that (resignation) dahil unang-una dalawang buwan na lang siya eh ang sama ng timing eh, he should consider that option,” pahayag ni Gordon, chairman ng Senate blue ribbon committee, sa panayam ng mga reporter kahapon.

Ayon kay Gordon, batay sa testimonya ni Magalong, lumalabas na nagkaroon ng ‘neg­lect of duty’ sa parte ni Albayalde matapos nitong ihayag sa komite na walang siyang alam sa naturang anti-drug operation.

Ipinauubaya naman ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Año ang magiging kapalaran ni Albayalde.

Hihintayin aniya ng Presidente ang magi­ging report ni Año saka ito magpapasya kung sisibakin o tuluyang aalisin sa serbisyo ang mga mapapatunayang sangkot sa pagre-recycle ng nakumpiskang iligal na droga.

“But when I decide on the basis of the report of secretary Año, I can dismiss, discharge, terminate any and all of them,” wika ng Pangulo sa isang interview bago ito tumulak ng Russia nitong Marte nang gabi. (Edwin Balasa/Dindo Matining/Aileen Taliping)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *