Mga pelikulang nagpatingkad kay Nena

Nagpaalam na nga ang isa sa hinahangaang Movie Queen ng bansa na si Ms. Amalia Fuentes.

mga pelikulang nagpatingkad kay nena - Mga pelikulang nagpatingkad kay Nena
amalia fuentes 1 - Mga pelikulang nagpatingkad kay Nena

Amalia Fuentes mataray, matapang, reyna hanggang kamatayan

Ni Ruel Mendoza

Nagpaalam na nga ang isa sa hinahangaang Movie Queen ng bansa na si Ms. Amalia Fuentes.

Tinawag na “Miss Number One”, “The Most Beautiful Actress of Philippine Movies” at “Elizabeth Taylor of the Philippines”.

Pero tinawag din siyang “mataray”, “matapang” at “walang inuurungan”.

Lahat ng ‘iyan ang siyang naging tatak ni Amalia o kung tawagin ay “Tita Nena” ng mga taga-showbiz.

Hindi lang kasi isang artista si Amalia, kundi isa rin siyang ina, tiyahin at kaibigan sa marami.

Hindi nga malilimutan ng kanyang mga pamangkin na sina Aga Muhlach, Arlene Muhlach at Nino Muhlach ang ginawang pag-aalaga at pagtatanggol sa kanila ng kanilang Tita Nena.

Ang pagiging reyna ni Amalia ay hindi magtatapos sa kanyang pagpanaw, kundi panghabambuhay na ito.

Kaya bilang isang tribute kay Tita Nena, heto ang ilang pelikulang nagawa niya na naging dahilan kung bakit siya tinawag na reyna…

AMY, SUSIE & TESSIE (1960)

Isang comedy ito na dinirek ni Tony Cayado na pinagbidahan ng tatlong big stars ng Sampaguita Pictures na sina Amalia Fuentes, Susan Roces at Tessie Agana. Kuwento ng tatlong magkakapatid na sina Amy, Susie at Tessie, na nagrebelde sa kanilang biyudong ama (Eddie Garcia) dahil magpapakasal ito sa magiging madrasta nila (Paraluman). Lumayas ang tatlong magkakapatid sa kanilang mansion at kinaya nilang mabuhay na hindi nila kakailanganin ang tulong ng kanilang ama.

ANG SENYORITO AT ANG ATSAY (1963)

Isa ito sa box-office hit movie na ginawa ni Amalia kasama si Juancho Gutierrez na dinirek ni Tony Cayado. Bilang si Aurora, nahihirapan siyang makahanap ng matinong trabaho dahil parati na lang nai-in love sa kanya ang mga katrabaho niyang lalaki. Hanggang sa maisipan niyang pumasok bilang isang maid sa isang mayamang pamilya kunsaan ang magiging amo niya ay si Gilbert. Sa pagkakataong ito, si Aurora na ang sobrang na-in love sa isang lalaki.

KULAY DUGO ANG GABI (1964)

Nauso ang mga vampire movies noong ’60s at kabilang si Amalia sa gumawa ng mga ganitong pelikula. Mula sa direksyon ni Gerry de Leon, ito ang kauna-unahang color horror picture na ginawa sa Pilipinas. May English title na “The Blood Drinkers”, kuwento ito ni Dr. Marco (Ronald Remy) na isang bampira. Nang mamatay ang kanyang girlfriend na si Katrina (Amalia Fuentes), nais niyang buhayin ito pero kailangan nitong makuha ang puso ng kakambal ni Katrina na si Charito (Amalia Fuentes). Nanalo rito ang co-star ni Amalia na si Celia Rodriguez ng FAMAS best supporting actress.

IBULONG MO SA HANGIN (1966)

Ang ikalawang vampire movie ni Gerry de Leon at may English title na “Curse of the Vampires”, bida ulit si Amalia Fuentes bilang si Leonore na mula sa isang mayaman na pamilya pero may lahi silang bampira. Nadiskubre ni Leonore na kanilang amang si Eduardo (Eddie Garcia) ay tinatago sa ilalim ng kanilang bahay ang kanilang inang si Victoria (Mary Walter) na inakala nilang patay na ay isa na palang bampira. Nang subukan nilang pakawalan ito, kinagat nito ang kanilang kapatid at doon na nagsimula ang trahedya sa kanilang pamilya at sa kanilang komunidad. Nanalo rito si Amalia ng kanyang first and only FAMAS Best Actress award.

URDUJA (1974)

Ito ang kauna-unahang costume action-drama film na ginawa ni Amalia na base sa kuwento ng warrior princess na si Prinsesa Urduja na dinirek ni Artemio Marquez. Para sa kanyang role, nag-aral si Amalia na gumamit ng espada at pana para magawa niya ang malalaking eksena ng pelikula. Kasama niya rito sina Vic Vargas, Zaldy Zhornack, Chiquito at Alma Moreno.

REPUTASYON (1997)

Ang huling big screen appearance ni Amalia na dinirek ni Elwood Perez. Gumaganap rito si Amalia bilang isang ina na gusto lang mapabuti ang buhay ng kanyang anak na ginampanan ni Miya Nolasco. Ayaw niyang gawin ng kanyang anak ang mga pagkakamali niya noon. Pero dahil sa pagiging mahigpit niya ay nagrebelde sa kanya ang nag-iisang anak niya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *