Ganda ni La Greta ‘sumpa’ sa kalalakihan

Kung sumpa ang maging maganda, ito siguro ang matagal nang pinagdurusahan ni Gretchen Barretto.

ganda ni la greta sumpa sa kalalakihan - Ganda ni La Greta ‘sumpa’ sa kalalakihan
gretchen 7 - Ganda ni La Greta ‘sumpa’ sa kalalakihan

Ni: Ruel Mendoza

Kung sumpa ang maging maganda, ito siguro ang matagal nang pinagdurusahan ni Gretchen Barretto.

Simula pa nang pasukin ni Gretchen ang pagiging isang artista, kung kani-kanino na siya nali-link na lalaki.

Hindi naman siguro kasalanan ni Gretchen kung ang mga lalaki ang magkandarapa sa kanya. After all, isa pa rin si La Greta sa may pinakamagandang mukha sa Philippine showbiz.

Diyosa nga kung tawagin si Gretchen ng marami, lalo na ng mga lalaking nabubulag sa ganda niya.

Marahil ito ngang pagiging maganda ni La Greta ang siyang sumpa sa kanya. Ang ganda niya ang nakakahalina sa mga lalaki, kesehodang may mga girlfriend at asawa ang mga ito. Maangkin lang nila si Gretchen, para na silang nagwagi sa isang mahabang marathon.

Pero ang maugnay ang pangalan ng isang lalaki kay Gretchen ay parang in-expose mo na ang sarili mo sa sunud-sunod na kontrobersya at intriga.

Madikit lang ang pangalan mo kay La Greta ay parang sinugal mo na rin ang buhay mo dahil wala ka nang kawala sa mga kuwestiyon at sa iba’t ibang puna, komento at mga hindi magagandang sinasabi ng publiko.

Tulad ngayon, biglang lumitaw ang pangalan ni Atong Ang sa hidwaan ng Barretto sisters. Si Atong na diumano’y “boyfriend” daw ni Gretchen ngayon. Maraming tanong kung hiwalay na ba sila ng matagal na niyang partner na si Tony Boy Cojuangco kung kanino meron itong anak na si Dominique.

Kung tutuusin, matagal na nga ang bulung-bulungan tungkol kina Gretchen at Atong. Maraming mga Pinoy ang nakakakita sa kanila na magkasama sa Macau kunsaan may mga negosyo si Atong. May mga okasyon dito sa Pilipinas na nakikitang magkasama rin ang dalawa.

Sa nilabas na panayam kay Atong, business partners lang daw sila ni Gretchen. Ka-partner din niya sa negosyo nitong casino sa Okada Manila ang partner ni La Greta na si Tony Boy. In short, family friend siya at wala silang iba pang kaugnayan ni Gretchen.

Taliwas nga ito sa binunyag ng pamangkin ni Gretchen na si Nicole na inagaw ng kanyang tita si Atong sa kanya. Ayon kay Atong, pinag-aral daw nito si Nicole at nagtrabaho ito sa kanya bilang tagapag-ayos ng mga personal niyang schedule.

Isa lang si Atong sa mga lalaking naugnay kay Gretchen at nahawaan ng kung anong “sumpa” nito sa mga lalaki.

Balikan natin ang iba pang mga lalaki na nabighani sa ganda ni La Greta, pero nakatikim din ng dala nitong sumpa…

JOEY LOYZAGA

Kasikatan ni Gretchen bilang ST (Sex Trip) Queen sa ilalim ng Seiko Films noong mid-80s nang mabalitang live-in na sila ng basketball player na si Joey Loyzaga. Kilala si Joey dahil sa ama nito ang Philippine basketball legend na si Caloy Loyzaga. Nagkakilala ang dalawa noong maging muse si Gretchen sa basketball team ni Joey. Hindi nagtagal ay nagsama sa iisang bubong sa Blue Ridge subdivision in Quezon City ang dalawa.

Kahit na mga ST film ang ginagawa ni Gretchen noon, sinusuportahan ni Joey ang kanyang career. Pero pagkatapos ng ilang taong pagsasama, pumutok na lang ang balitang naghiwalay na sina Gretchen at Joey.

Tinakbo sa ospital si Gretchen dahil nag-overdose ito ng sleeping pills. Tanda pa namin na ininterbyu pa si Gretchen ni Inday Badiday sa kanyang hospital room. Iyak nang iyak si Gretchen dahil naghiwalay daw sila ni Joey dahil sa matinding selos nito sa aktor na si Aga Muhlach.

AGA MUHLACH

Noon pa na-link romantically si Gretchen kay Aga Muhlach noong una silang magsama sa pelikulang “Miguelito: Batang Rebelde” noong 1985. Pero hindi nga natuloy ang romance na iyon dahil na-involve na si Aga kay Janice de Belen kung kanino meron itong anak.

Biglang pumasok ang pangalan ni Aga sa hiwalayan ng dalawa. Ang pagkakaospital ni Gretchen ay may kinalaman sa sobrang pagseselos ni Joey Loyzaga kay Aga.

Ayon sa kampo ni Joey, nakita raw si Gretchen na nakasakay sa kotse ni Aga. Parehong nagpa-interview sina Aga at Gretchen noon sa “Eye To Eye” ni Inday Badiday para sabihin na magkaibigan lang sila.

RICHARD GOMEZ

May pagkakataon din na na-link si Gretchen kay Richard Gomez. Pagkatapos nilang gawin ang pelikulang “Lumayo Ka Man Sa Akin” noong 1992, madalas daw nakikita si La Greta na tumatambay sa set ng sitcom ni Goma na “Palibhasa Lalake”. Lagi ring present si Gretchen sa mga event ni Goma tulad ng Goma Cup. Pero si Goma na mismo ang nag-deny tungkol sa kanila ni Gretchen. Girlfriend kasi ni Goma noong mga panahon na iyon si Patricia Borromeo.

BONG REVILLA

Ang pagtawag na “Superman” ni Gretchen kay Bong Revilla ang naging simula ng chismis sa dalawa. Nagtambal sila sa action movie na “Ako Ang Katarungan: Lt. Napoleon Guevarra” noong 1992 at agad na kumalat sa showbiz ang diumanong affair ng dalawa.

Sa isang showbiz talk show, may binati na Superman si Gretchen at marami ang nanghuhula kung sino ito. Ang nagbuking sa press na si Bong Revilla ang binabati ni Gretchen ay isa ring aktres na na-link kay Bong. Nagkaroon pa ng kung anong sagutan in print sina Gretchen at ang misis ni Bong na si Lani Mercado.

Tumigil lang daw si Gretchen nang may makiusap dito na tigilan na ang affair kay Bong.

TONY BOY COJUANGCO

Biglang naugnay ang pangalang Tony Boy Cojuangco kay Gretchen. February 1994 nang mabalitaan ng marami sa showbiz na dine-date ni Gretchen ay isang Cojuangco. Biglang naging tahimik lang si Gretchen sa kanyang love life.

Hindi siya nagpapaunlak ng interview noon, lalo na kung tungkol ito kay Tony Boy. Ilang buwan pa ang nagdaan, dumalo si Gretchen sa Goma Cup at mukhang may baby bump na ito. Walang nagtangkang tanungin si Gretchen dahil panay ang iwas din nito sa press.

Sa kanyang primetime talk show noon sa GMA-7 na “Show & Tell”, halatang-halata na ang baby bump niya sa suot niyang white dress. Pero quite pa rin si La Greta sa tunay niyang kalagayan. Hanggang sa magkaroon na ng press conference ang pelikula niya with Raymart Santiago na “Ikaw Lamang Wala Ng Iba”, umiyak si Gretchen at sinabing last movie na niya iyon dahil magku-quit na siya sa showbiz.

Halata na ang baby bump ni Gretchen sa suot niyang damit, pero hindi pa rin niya sinagot ang mga tanong tungkol sa kanyang kalagayan. Biglang naging tahimik ang mundo ni Gretchen at nabalitaan na lang na ipinanganak na nito ang daughter nila ni Tony Boy na si Dominique noong 1995.

JOHN ESTRADA

Matagal ding umiwas sa kontrobersya si Gretchen hanggang sa muli siyang ma-involve sa isang “kisscandal” noong 2007 with John Estrada. Kumalat noon ang photos nina Gretchen at John na naghahalikan sa birthday party ni Rufa Mae Quinto. Base sa litratong kumalat, nasa pamamahay sila ni Rufa Mae at nasa isang sofa sina Gretchen at John.

Hindi naman silang dalawa lang sa kinalalagyan nila dahil may ibang mga tao sa paligid. Eksaktong nakunan na naglalaplapan ang dalawa na ikinagulat ng party host na si Rufa Mae dahil hindi niya alam na may nagaganap nang eksena sa dalawang bisita niya.

Walang nilabas na comment si John that time dahil kasalukuyang karelasyon niya ang misis niya ngayon na si Priscilla Meirelles. Tahimik din si Gretchen sa lumabas na photo nila ni John.

Ang tanging nakunan namin ng comment ay ang manager ni John na si Douglas Quijano. Nasabi lang ni Tito Dougs: “Baka lasing lang silang dalawa.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *