ABS-CBN humamig ng 7 ‘Quill’ trophy

Nagwagi ng pitong parangal ang ABS-CBN sa ika-17 na Philippine Quill Awards para sa iba’t ibang kampanya at proyekto nito sa komunikasyon na nakasentro sa serbisyo publiko at paghahatid ng kasiyahan sa mga kustomer at empleyado nito.

abs cbn humamig ng 7 quill trophy - ABS-CBN humamig ng 7 ‘Quill’ trophy
abs cbn 4 - ABS-CBN humamig ng 7 ‘Quill’ trophy

Nagwagi ng pitong parangal ang ABS-CBN sa ika-17 na Philippine Quill Awards para sa iba’t ibang kampanya at proyekto nito sa komunikasyon na nakasentro sa serbisyo publiko at paghahatid ng kasiyahan sa mga kustomer at empleyado nito.

Panalo ang “Tawag Ng Tanghalan” mula sa sikat na programang “It’s Showtime” na mula sa pagiging bahagi lamang ng palabas ay nagkaroon na rin ito ng sariling mga proyekto at mga mang-aawit na pinapasikat.

Samantala, kinilala rin ang “Halalan 2019 Ikaw Na Ba: The DZMM Senatorial Candidates’ Interview” sa pagbibigay pagkakataon sa mga kandidato na ibahagi ang kanilang mga plano at sagot sa mga isyu upang mas makilala ng mga botante sa mga plataporma ng DZMM sa radyo, telebisyon, at online.

Nanalo rin ang “DZMM Kapamilya Day” na inilalapit ang istasyon sa mga tao sa pagsagawa mismo ng mga programa sa mga barangay at pagtalakay ng kanilang mga problema, bukod sa paghatid ng mga libreng serbisyo at iba pang masayang aktibidad.

Tumanggap din ng parangal ang “DZMM: Good Trip” dahil sa iba-ibang serbisyong handog nito sa mga drayber ng mga pampublikong sasakyan, na tinuruan din ng mga tamang gawain sa kalsada para sa kaligtasan nila at ng mga pasahero nila.

Nagdala rin ng karangalan ang ABS-CBN TVplus, na naipalaganap ang magandang kalidad ng panonood ng telebisyon sa mga kabahayan sa labas ng lungsod sa pamamagitan ng ‘mahiwagang black box’.

Pinarangalan naman ang “ABS-CBN’s Unilever Story: That Partnership That Pays Off,” para sa mahusay na pagsasanib puwersa ng ABS-CBN at Unilever, kung saan naipamalas ng ABS-CBN ang galing nito sa paggawa ng content para sa digital.

Nagwagi rin ang “Tawag Ng Tanghalan sa e-Frequency” na patimpalak para sa mga talentadong empleyado ng ABS-CBN na naranasan kung paano maging “Tawag ng Tanghalan” contestant.

Sa pagkamit ng pitong parangal, nominado ang ABS-CBN para sa “Company of the Year” ngayong taon, na iginagawad sa organisasyong may pinakamaraming nakuhang pagkilala. Taunang ginaganap ang Philippine Quill Awards ng International Association of Business Communicators (IABC) Philippines para kilalanin ang husay ng mga programang pang-komunikasyon ng mga kompanya at ahensya sa nakaraang dalawang dekada. (Dondon Sermino)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *